28
MARCH 2026
You’ve Got a Friend in Me
Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.
Mga Kawikaan 17:17
“You’ve Got a Friend in Me.” Theme song iyan ng movie franchise na Toy Story. Sa pelikulang ito, masusubaybayan ang pagkakaibigan ng dalawang laruan na sina Buzz Lightyear at Woody. Magkaiba man sila ng pananaw at nasubok man ang kanilang pagkakaibigan, sa dulo ay nanatili silang tunay na magkaibigan.
Sa buhay, iyan ang hinahanap natin — isang tunay na kaibigan na hindi lang natin makakasama sa pagse-celebrate ng mahahalagang araw o okasyon sa ating buhay, kundi aagapay sa atin sa anumang problema. May mga pagkakataon kasing nasusubok tayo sa buhay. May panahong parang sunod-sunod at walang tigil ang problema na kinakaharap nating mag-isa.
Alam ba ninyong hindi tayo nag-iisa sa mga pinagdaraanan natin? Meron tayong kasama sa kasiyahan at kalungkutan. Sabi sa Bible, “Greater love has no one than this, that someone lay down his life for his friends” (John 15:13, ESV). Ang buhay ni Jesus ang naging kabayaran sa ating mga kasalanan. Isipin mo, ganyan tayo kamahal ni Jesus. Ibinigay Niya ang lahat para tayo iligtas sa kasalanan at para tulungan tayo sa lahat ng pagkakataon.
Sa Panginoong Jesus matatagpuan ang isang tunay na kaibigan na walang sawang makikinig, tutulong, at gagabay sa atin. Maaari natin Siyang lapitan sa anumang pagkakataon. Kaya sa panahon na nag-aalala ka o may worries na gumugulo sa isipan mo, tandaan mo na palaging nariyan si Jesus para sa iyo.
LET’S PRAY
Panginoong Jesus, isinusuko ko ang lahat ng aking mga isipin na gumugulo sa akin. Ipinagkakatiwala ko ang lahat ng ito sa Inyo at mananatili akong payapa dahil kasama Kita sa lahat ng pagkakataon. Amen.
APPLICATION
Anu-anong mga sitwasyon ang ipinag-aalala mo? Isulat mo ang mga ito at maniwala ka na tinutulungan ka ni Jesus na masolusyunan ang mga ito.
SHARE THIS QUOTE
