12
OCTOBER 2026
Detox the Emotions
Welcome ulit sa ating series na “Life Detox.” Tinalakay na natin ang paglilinis ng puso at isip. Ngayon, dumako naman tayo sa isa pang mahalagang bahagi ng ating pagkatao na madalas nating tinatago: ang ating mga emosyon.
Ipagkatiwala ninyo sa Kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
1 Pedro 5:7
Alam mo ba na hindi lang katawan at isip ang kailangang i-detox? Ang iyong emosyon, kailangan din. Minsan, sa sobrang tagal mong kinimkim ang mga damdamin sa loob mo, akala mo wala na ang mga ito. Pero ang totoo, nandiyan pa rin ang feelings of bitterness, rejection, loneliness, at frustration.
Anong ginawa mo sa mga emosyon na ito? ‘Yung iba, tinakpan mo ng busyness. Yung iba, nilibing mo sa tahimik na luha. Pero ang Diyos, hindi lang gustong ayusin ang nakikita. Gusto Niyang paghilumin ang mga sugat na nakatago sa kalooban mo.
Sa 1 Pedro 5:7, hindi sinabi ni Pedro, “Isulat mo,” o “i-ignore mo.” Ang sabi: “Ipagkatiwala ninyo sa Kanya.” Ibig sabihin, buo mong ilabas. Hindi ka kailangang magpaka-strong sa harap ni Lord. Hindi Siya naiirita sa paulit-ulit mong pag-iyak. Hindi Siya nagsasawa sa mga tanong mo. Ang Kanyang pagmamahal at habag ay sapat para yakapin ka sa gitna ng lahat ng nararamdaman mo.
Can we do something radical? I-lay down mo na ‘yang emotional baggage mo. Huwag mong dalhing mag-isa. Huwag mong kimkimin ang feelings mo. Huwag mo nang gawing normal ang pagiging numb sa iyong damdamin. Hindi mo kailangang itago kay Lord ang nararamdaman mo dahil Siya lang din ang makakapagpagaling nito. Ang iyong fasting ay hindi lang tungkol sa kung ano ang isinusuko mo sa pagkain, kundi kung ano ang isinusuko mo sa Diyos — ang iyong mga pasanin at emosyon. Hayaan mo Siyang linisin ang iyong kaluluwa, hindi lang ang iyong schedule.
Sana’y naging malinaw sa atin ngayon ang kahalagahan ng paglilinis ng ating mga emosyon. Patuloy tayong mag-reflect at maghanap ng katotohanan. Abangan ang susunod nating topic sa ating series na “Life Detox”!
LET’S PRAY
Lord, pagod na ako sa emotional weight. Ang dami kong iniinda na hindi ko masabi. Pero ngayon, pinipili kong isuko. Hawakan Ninyo ang puso kong marupok at sugatan. Linisin Ninyo ito. Palitan Ninyo ng kapayapaan, ng kapatawaran, ng joy na galing lang sa Inyo. Alisin Ninyo ang sama ng loob, galit, inggit, at takot. Sa Inyo ko ibinubuhos ang lahat. Salamat, dahil nagmamalasakit Kayo. Sa pangalan ni Jesus, ito ang dalangin ko. Amen.
APPLICATION
Maglaan ng oras para mag-”moment” kasama ang Diyos. Sa panalangin, ilabas nang buo ang lahat ng iyong kinikimkim na damdamin tulad ng galit, lungkot, takot, at pagkabigo. Huwag kang matakot na maging totoo. Pagkatapos, tanggapin ang kapayapaan at pagpapatawad Niya, at piliing magpatawad din sa iba kung kinakailangan.
SHARE THIS QUOTE
