1
NOVEMBER 2026
Bagong Bahay, Bagong Simula!
Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal.”
1 Pedro 1:15–16
Bagong bahay, bagong simula! Excited ang buong pamilya sa kanilang bagong tahanan. Bagongpintura, makintab na sahig — sa wakas, natupad na ang kanilang pangarap. Habang abala ang lahat sa pag-aayos, ang panganay na anak nila ay naglaro ng natirang semento at nagtunaw ng mga kandila sa kalan. Sa kanyang kakulitan, hindi niya napansin na ang mantikang naiwan sa kawali ay biglang nag-apoy! Sa isang iglap, muntik nang masunog ang bagong kusina.
Mabilis namang naapula ang apoy, pero hindi naiwasan ng kanyang ama ang magalit. “Muntik mo nang sunugin ang bahay natin!” sigaw nito. Sa sama ng loob, tumakbo ang bata palabas diretso sa sementeryo sa tabi ng kanilang bahay.
All Saints’ Day noon kaya siksikan ang mga tao sa paligid ng mga puntod. Habang naglalakad, napansin ng anak na abala ang lahat sa paglilinis, pagpapalit ng bulaklak, at pagsisindi ng kandila. Napansin din niya ang isang puntod. Sa gitna ng kanyang pag-iyak, napatigil siya nang makita ang isang nakaukit na Bible verse sa lapida:
“Magpakabanal kayo, sapagkat ako’y banal” (1 Pedro 1:16).
Parang may bumulong sa kanyang puso. Naalala niya ang kanyang lola na laging nagpapaalala sa kanya tungkol sa pananampalataya. Mahalaga ang bahay, at dapat maging masinop lalo na kung ito ay bago. Ang mga tao nga, nililinis ang puntod kapag ganitong panahon. Pero mas importante ang mamuhay nang may kabanalan — isang klase ng pamumuhay ng mananampalataya na may kalinisan ng kalooban at kagandahang-asal, na inuuna ang Diyos at nagiging ilaw sa iba.
LET’S PRAY
Panginoon, salamat sa aking mga magulang at sa mga nauna sa akin na nagpakita ng tunay na pananampalataya. Tulungan Ninyo akong alisin ang anumang humahadlang sa akin upang mamuhay nang tama sa Inyong paningin. Gawin Ninyo akong tapat sa Inyo araw-araw. Amen.
APPLICATION
Ngayong All Saints’ Day, alalahanin natin ang mga naunang namuhay nang may pananampalataya. Hindi lang ito tungkol sa pag-alala sa kanila kundi sa pagtitiwala at pagsunod sa Diyos. Paano natin maipapamuhay ang kabanalan na nais Niya para sa atin?
SHARE THIS QUOTE
