31
MAY 2025
Hanggang Kailan Po Ba, Lord?
Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako kapag dumating na ang takdang panahon.
Isaias 60:22b
Nakipagsapalaran si Honey sa ibang bansa in search of greener pastures. Sa pinanggalingan niyang industry sa Manila, madalas niyang nakakahalubilo ang mga local celebrity. Pero pagdating niya sa abroad, hindi siya agad nakakuha ng trabaho. May tumatawag man sa kanya for a job interview, pero laging hanggang doon lang. Later on, natanggap siyang promo girl sa isang supermarket. Pagkatapos ay naging caregiver din siya. Kung ano-ano pa ang pinasok niyang trabaho just to survive. Pero patuloy siyang nagtiwala sa Diyos at naniwala na mabibigyan din siya ng trabahong ayon sa core skills niya.
Isa sa Bible verses na nagbigay ng pag-asa kay Honey ang Isaias 60:22b: “Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako kapag dumating na ang takdang panahon.” Sa Isaiah 60, sinabihan ni prophet Isaiah ang mga taga-Jerusalem na bumangon at magliwanag sa gitna ng kadiliman sa kanilang paligid dahil nangako ang Diyos na magliliwanag at giginhawa din ang kanilang buhay … at mangyayari ito sa takdang panahon.
Gaya ba ng mga taga-Jerusalem noon — at ni Honey — ay parang madilim ang iyong paligid? Nawawalan ka na ba ng pag-asa? Tinatanong mo rin ba sa Diyos kung kailan ka mapo-promote sa trabaho? Kailan ka mag-aasawa? Kailan Niya sasagutin ang mga panalangin mo? Magtiwala tayo na maganda ang plano ng Diyos sa atin (Jeremiah 29:11; Romans 8:28; Proverbs 3:5–6).
After seven years, dumating ang inaasahan ni Honey na takdang panahon para sa kanya. Natanggap siyang functions and events manager sa isang events center — isang trabahong matagal niyang hiningi sa Diyos, trabahong ayon sa mga kakayahan niya.
LET’S PRAY
Lord, according to Isaiah 60:22, Kayo ang Diyos na tumutupad ng Inyong pangako, at tinutupad Ninyo ito ayon sa perfect timing Ninyo. Help me to wait, to trust while waiting, and to do the best I can at the moment. Amen.
APPLICATION
Kung may gusto kang mangyari na hindi pa nangyayari sa buhay, shift your focus on things that you can do so you can still be productive while waiting.
SHARE THIS QUOTE
