27
DECEMBER 2022
Ang Ritwal ng Pagtu-toothbrush
Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng isang tao, sa kanilang kabataan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kasulatan.
Awit 119:9
“Toothbrush na naman, Mommy?” ang halos nagdadabog na tanong ng inaantok na si Kaili. “Bakit parati na lang kailangang mag-toothbrush? Nag-brush na ako ng teeth this morning ah!” Sinagot siya ni Mommy ng isang kanta, “Up and down and all around. This is the way you brush your teeth.” Dahil apat na taong gulang pa lang ang cute na si Kaili, nakakaaliw pang pakinggan ang kanyang apela sa kanyang Mommy.
Gaya ng pagtu-toothbrush, meron din tayong palagiang mga ginagawa para lalong lumalim ang pagkakilala natin sa Panginoon, at mapanatili nating malinis ang ating pamumuhay. Nakakatulong ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at ang pananalangin. Ganoon din ang pagsisimba tuwing Linggo, ang pakikisalimuha sa mga kapwa mananampalataya at ang paglilingkod sa Diyos at sa mga kapatiran — ‘yung tinatawag nating ministry. Ang pagkakaloob — tithing man iyan o voluntary offering — ay nagiging daan para lalong makilala ang katapatan ng Diyos.
To help with this, may isang technique na tinatawag na 555 (hindi ito ad ng sardinas). Magandang basic formula ito para maging routine natin sa araw-araw: 5 minutes na pagbabasa ng Bible; 5 minutes na pananahimik at pakikinig sa Panginoon; at 5 minutes na pananalangin. Gawing routine ito paggising sa umaga at bago matulog. Tulad ng sinabi ng sumulat ng Mga Awit 119:9, “Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng isang tao, sa kanilang kabataan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kasulatan.”
Gaya ng ngipin na dapat sepilyuhin at least twice a day, kailangan nating paulit-ulit na linisin ang ating pag-iisip para mapanatiling malinis ang ating pamumuhay. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsunod sa banal na Salita ng Diyos.
LET’S PRAY
Ama kong mahal, salamat sa Inyong banal na Salita na nagtuturo sa akin kung paano mamuhay nang malinis. Salamat na dahil sa Inyong Anak na si Jesus, pinatawad Ninyo ang lahat ng aming kasalanan. Ngunit kung ako po ay nagkasala sa aking kapwa, ipakita Ninyo sa akin ang aking pagkakamali para makahingi ako ng tawad sa kanila at maiayos ang aming relasyon. Dalangin ko ang isang pusong tapat, isip na malinis, at damdaming naaayon sa Inyong Salita. Sa ngalan ni Jesus, Amen.