9
JUNE 2026
Bakit Hinahayaan ng Diyos ang Masasamang Bagay?
Narito na tayo sa huling bahagi ng ating series na “Legit ba si God?” Sagutin natin ang tanong na bumabagabag sa marami: Bakit ba pinapayagan ng Diyos na may masamang nangyayari sa mundo? Alamin natin ang pag-asa sa gitna ng pagsubok.
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ngi mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Mga Taga-Roma 8:28
Noong October 28, 2024, isang onse anyos na batang babae ang aksidenteng nabaril sa Tondo, Manila nang magbarilan ang dalawang lalaki. Tinamaan ang bata sa leeg at agad siyang dinala sa ospital. Sa ganitong mga trahedya, madalas ang tanong ng ilang tao ay: “Nasaan ang Diyos? Kung mabuti Siya, bakit Niya hinahayaang mangyari ang masasamang bagay?”
Marami ang nagsasabi na ang pag-iral ng kasamaan ay patunay na walang Diyos. Pero ang totoo, ang pagkilala natin sa kung ano ang “masama” ay isang matibay na ebidensya na may Diyos. Saan galing ang konsepto ng tama at mali kung walang moral na pamantayan ang isang tao?
Ang kasamaan ay hindi galing sa Diyos, pero hinahayaan Niyang mangyari ito dahil binigyan Niya tayo ng “free will.” Kung pipigilan Niya ang lahat ng masamang desisyon, hindi na ito tunay na kalayaan. At kung wala tayong kalayaan, hindi rin natin kayang magmahal nang totoo. Ang pag-ibig na pinilit ay hindi pag-ibig. Ang kabutihan na hindi pinili ay hindi tunay na kabutihan.
Hinahayaan ng Diyos na gamitin natin ang kalayaan natin, kahit na minsan ay magdudulot ito ng sakit. Pero sa sakit na iyon, natututo tayong makiramay, magtiwala, at kumapit kay Jesus. Alam Niya ang sakit na ating nararamdaman dahil Siya mismo ay dumaan sa paghihirap at kamatayan sa krus para iligtas tayo.
Balang araw, papawiin ng Diyos ang lahat ng luha, at itatama Niya ang lahat ng mali. Pero habang nandito pa tayo sa mundo, kumapit tayo sa promise na ito: “And we know that in all things God works for the good of those who love him, who have been called according to his purpose” (Romans 8:28, NIV).
Salamat sa pagsama sa buong series ng “Legit Ba si God?” Sana lumakas ang pananampalataya mo at lalong maging matatag sa Diyos. Tandaan, legit talaga si God!
LET’S PRAY
Panginoon, maraming bagay ang hindi ko nauunawaan. Pero sa gitna ng sakit at trahedya, pipiliin kong magtiwala na nariyan Kayo, at sa katotohanang hindi Ninyo ako iniiwan. Palalimin Ninyo ang aking pananampalataya at gamitin Ninyo ako bilang kasangkapan para magkaroon ng pag-asa ang iba. Amen.
APPLICATION
Kung may pinagdadaanan kang mabigat, isulat ito sa isang journal at idulog ito sa Diyos. Huwag matakot na maging tapat sa Kanya. Kung may kilala kang may pinagdadaanan, ipagdasal mo siya at iparamdam mong hindi siya nag-iisa.
SHARE THIS QUOTE
