8
JUNE 2026
Ano ang Trinity?
Welcome sa second part ng “Legit Ba si God?” series. Ngayon, tatalakayin natin ang Trinity — isang misteryo na madalas itanong pero may malinaw na sagot sa Biblia. Sama-sama nating tuklasin ito.
Nang siya’y mabautismuhan, umahon si Jesus sa tubig. Biglang nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”
Mateo 3:16–17
Noong pandemic, si Adel ay nag-enroll sa isang online Apologetics Bible class ng Stand to Reason University. Sa unang klase pa lang, natanong niya agad, “Kung iisa ang Diyos, bakit may Ama, Anak, at Espiritu Santo?”
Mahirap intindihin pero malinaw sa Biblia. Sa Mateo 3:16–17, makikita natin ang Ama na nagsasalita mula sa langit, ang Anak na nasa tubig, at ang Espiritu Santo na bumaba tulad ng kalapati. Tatlong persona, isang Diyos.
Hindi gawa-gawa o dagdag ng simbahan ang Trinity. Mula pa sa simula, sinabi na ng Diyos: “… likhain natin ang tao… ayon sa ating wangis” (Genesis 1:26). Sa Old Testament, iisang Diyos ang sinasamba ng Israel (Deuteronomio 6:4), pero sa New Testament hayagang ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Ang Ama ay Diyos (1 Mga Taga-Corinto 8:6), ang Anak ay Diyos (Juan 1:1–3, 14; Mga Hebreo 1:8), at ang Espiritu Santo ay Diyos (Mga Gawa 5:3–4).
Hindi ito tatlong Diyos. Isa lang. Hindi rin ito iisang persona na nagpapalit-palit ng maskara. Ibang-iba ang Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, pero iisa ang kalikasan. Limitado ang kakayahan nating mga tao na intindihin ito, pero hindi nangangahulugang mali ang hindi natin kayang ipaliwanag nang buo.
Hindi rin ito abstract theory. Dahil ang Diyos ay Trinity, nararanasan natin ang tunay na pag-ibig. Isipin mo: hindi naging mapagmahal ang Diyos dahil may nilikha Siya. Bago pa tayo likhain, may relasyon na Siya sa Kanyang sarili. Ang Ama ay laging umiibig sa Anak, at ang Espiritu ang ugnayan ng pag-ibig.
Ito ang Diyos na tinatawag ka sa isang relasyon, hindi lang para Siya ay paniwalaan, kundi para maranasan ang Kanyang pag-ibig.
Bukas, pag-uusapan naman natin kung bakit hinahayaan ng Diyos ang masamang nangyayari sa mundo. Kitakits tayo!
LET’S PRAY
Panginoon, salamat dahil Kayo ay isang Diyos na hindi ko lubos na mauunawaan ngunit maaari kong maranasan. Salamat sa Inyong pagmamahal bilang Ama, sa Iyong pagliligtas bilang Anak, at sa Iyong paggabay bilang Espiritu Santo. Palalimin Ninyo ang aking pananampalataya upang lalo Kitang makilala at mahalin. Amen.
APPLICATION
Ang Trinity ay hindi lang isang theological concept kundi isang paanyaya sa mas malalim na relasyon sa Diyos. Seryosong kilalanin mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasaliksik, pag-aaral, at pagninilay ng Kanyang Salita.
SHARE THIS QUOTE
