14
OCTOBER 2023
Dry Bones
Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay.
Ezekiel 37:5
Isang gabi mataimtim na nanalangin si Emma sa Panginoon. Iniiyak niya ang kabigatan ng kanyang puso dahil sa mga problema ng kanilang pamilya. Bagamat matagal nang panahon ang nakalipas nang nambabae ang kanyang tatay, ang sakit at paghihirap ay kailanma’y hindi na tumitigil. Buo ang pamilya nila pero wasak na wasak ang kalooban ng bawat isa. Ang bahay nila’y hindi maituring na tahanan. Dahil wala na silang pag-asa at sigla, tila mga tuyong kalansay na sila. Sa panalangin ipinaalala ng Panginoon kay Emma ang pangitaing nakita ng propetang si Ezekiel.
Sa Ezekiel 36 at 37 sinabi ng Panginoon na pagpapalain Niya ang bansang Israel. Pero nasakop at nawasak ang bansa, at ang mga tao’y nagkasala. Gayunman, niloob pa rin ng Diyos na sila’y bigyan ng bagong puso at espiritu. Sa isang pangitain ipinakita Niya kay Ezekiel ang mga tuyong kalansay ng tao. Iniutos ng Diyos kay Ezekiel na ipahayag niya sa mga kalansay na bibigyan Niya sila ng hininga at sila’y mabubuhay (Ezekiel 37:4–8). Nabuo nga ang mga kalansay, nagkaroon ng litid at laman, nabalot ng balat, at muling nagkaroon ng hininga.
Muling nabuhayan ng loob si Emma. Ang aandap-andap niyang pag-asa ay muling nagliwanag. Ang Diyos Niya ay makapangyarihan at kayang bumuhay ng patay. Walang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos (Lucas 1:37). Anumang niloob Niyang maganap ay mangyayari. Kalooban Niyang maligtas ang sanlibutan kaya ipinadala Niya ang Anak Niyang si Jesus upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Kaya naman, nagtitiwala rin si Emma na kaya ng Panginoon na bigyang buhay at sigla ang bawat miyembro ng kanyang pamilya.
LET’S PRAY
Lord, maraming pagkakataon na din akong umasa at nabigo. May mga pangarap na isinantabi at panalanging hinayaan na lang sa hangin. Ngayon, muli akong nananampalataya sa Inyo at umaasang hindi Ninyo bibiguin. Maraming salamat sa pagmamahal Ninyo. In Jesus’ name I pray. Amen.
APPLICATION
Read Ezekiel 36 and 37. For visual appreciation, watch the online Bible Project video on the book of Ezekiel available at their website or YouTube channel.