17
MARCH 2022
Huwag Mo Siyang Hamakin
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan.
Isaias 53:3
Maraming mga Pinoy teleserye ang may mga bidang hinamak at nagdanas ng hirap. Kaya nang magkaroon sila ng kapangyarihan, gumanti sila sa mga humamak sa kanila.
Iba ang dramang itinanghal sa atin ng Biblia tungkol sa bidang Tagapagligtas. Sa umpisa pa lang, habang nagtuturo si Jesus sa sinagoga, minaliit na Siya ng mga tao dahil isa lang daw Siyang karpintero (Marcos 6:1–3). Nang marinig naman ng mga Judio na nangangaral Siya, pinaratangan nila Siya na sinasapian ng demonyo (Juan 8:48–53). Pero ang sukdulang panghahamak at paghihirap ay dinanas Niya nang hatulan Siya ng kamatayan sa krus. Dinuraan, pinagsusuntok, at pinagsasampal Siya ng mga miyembro ng Sanedrin na humatol sa Kanya (Mateo 26:67–68). Pinaghahampas Siya sa ulo, pinagduduraan, at pakutyang niluhud-luhuran ng mga sundalo (Marcos 15:16–19). At nang nakapako na Siya sa krus, ininsulto Siya ng mga nagdaraan, punong pari, tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. “Iniligtas Niya ang iba, pero hindi Niya kayang iligtas ang sarili Niya?” pangungutya nila. Dinagdagan pa ito ng panlalait ng mga kasama Niyang nakapako (Marcos 15:29–32). Isipin mo, hindi lang unti-unting namamatay si Jesus nang mga sandaling iyon dahil sa mga sugat sa katawan, kundi ilang beses ding sinasaksak ang puso Niya ng mga panghahamak.
Sa kabila nito, hindi gumanti ang bida nating Tagapagligtas. Tiniis Niya ang mga panghahamak at hirap para matupad ang misyon Niya na pagbayaran ang ating mga kasalanan. Kaya huwag nating hamakin si Jesus — huwag nating bale-walain ang Kanyang sakripisyo sa pamamagitan ng paghahanap ng iba o dagdag pang paraan ng kaligtasan. Manampalataya tayo na sapat na ang ginawa Niya. Ibigay natin sa Kanya ang parangal na nararapat sa Kanya.
LET’S PRAY
Lord, buksan po Ninyo ang isipan ng mga taong hindi naniniwala at humahamak sa Inyong Anak na si Jesus. Ipakita Ninyo sa kanila na sapat ang pagkamatay Niya sa krus at muling pagkabuhay para maligtas sila mula sa parusa ng kasalanan.
APPLICATION
Paano mo ipapakita sa Panginoong Jesus na pinapahalagahan mo Siya at hindi binabale-wala?