18
FEBRUARY 2024
Kumusta na ang Quiet Time Mo?
“Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao‘y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawa‘t salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
Mateo 4:4
Kamusta na ang quiet time mo? Mayroon ka pa bang oras na nilalaan para mag-basa at mag-reflect ng Salita ng Diyos? O ang iyong quiet time ay naging quiet na lamang? O tuluyan ka na nag-quit sa araw-araw na pakikiniig sa ating Panginoon?
Naalala mo pa ba noong ikaw ay bagong Cristiano? Uhaw na uhaw ka na makilala ang ating Panginoon. Palagi mong binabasa ang Banal na Kasulatan. Parang hindi kumpleto ang araw mo kung hindi mo nabuksan ang Biblia.
Ngunit sa pagdaan ng panahon, mukhang napabayaan mo na ang iyong spiritual discipline. Naging abala ka sa iyong pag-aaral sa school o sa gawain sa opisina o sa iba pang bagay. Hindi ka na naging regular sa iyong devotional time with God. Mukhang nakalimutan mo na ang kahalagahan ng pagbabasa ng Biblia.
Ang Salita ng Diyos ay ang ating pagkaing espirituwal. Kung hindi tayo regular sa ating pagkaing espirituwal, manghihina tayo. Katulad ng maaaring mangyari sa ating pisikal na katawan. Subukan mong hindi kumain ng isang linggo o dalawang linggo. Manglalata ka. Hindi mo magagawa ang dapat mong gawin katulad ng pagkuha ng tests sa school o pag submit ng project reports sa office mo. At di katagalan, tuluyan kang magkakasakit. Ganoon din ang mangyayari sa ating buhay espirituwal kung hindi tayo kakain araw-araw ng espirituwal na pagkain.
LET’S PRAY
Panginoon, tulungan po Ninyo ako na maging regular ulit sa aking pagbabasa at pagmumuni-muni ng Biblia. Panalangin ko na ang Iyong Salita ay maging buhay sa aking buhay. Ito po ang aking dalangin sa pangalan ni Jesus. Amen.
APPLICATION
Mayroon ka bang devotional guide na ginagamit? Makakatulong ito ng malaki para ka maging regular sa iyong quiet time. Kasama ng devotional guide mo, patuloy mo ring gamitin ang Tanglaw araw-araw at sa iba’y ibahagi ito.