28
MAY 2025
Lord, Sabi Mo ‘Yan Ha?
Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.
Mga Hebreo 6:18
“Huwag kang lalabas ng bahay. Babalik ako at magdadala ng pagkain,” mahigpit na bilin ng ina sa kanyang anak. Palibhasa’y Christmas rush, naipit sa siksikan sa mall at trapik sa kalsada ang ina. Inabot pa ng malakas na ulan at baha pauwi sa kanilang bahay. Pero dahil kilala ng anak ang kanyang ina, alam niya na kahit anong mangyari ay tutuparin nito ang sinabi niya. At inabot man ng siyam-siyam, nakarating nga ang kanyang ina dala ang pangakong pasalubong nito.
Ganyan din ang paalala sa atin sa Hebrews 6:14–15. Nangako si God kay Abraham na ibe-bless Niya at pararamihin ang lahi ni Abraham. Matiyagang naghintay si Abraham sa pangakong ito na kanya rin namang tinanggap. Anuman ang ipinangako ng Diyos sa atin ay siguradong matutupad. Walang mintis at garantisado. Bakit? Dahil kapag nanumpa ang tao, ginagamit nya ang pangalan o institusyon na mas mataas sa kanya, isang guarantor o nagtitiyak na gagawin niya ang kanyang ipinangako. Pero si God? Siya na ang pinakamataas. Kaya’t kapag Siya ang nangako, itinataya Niya ang sarili Niyang pangalan. Tutuparin Niya ang Kanyang sinabi.
Ano ang pangako sa iyo ng Diyos mula sa Salita Niya? Kung hindi mo pa alam, inaanyayahan ka Niya na alamin ito at kilalanin Siya by reading the Bible. Alam mo ba na isa sa mga pangako ng Diyos sa mga tumanggap kay Jesus Christ as Lord at Savior ay ang buhay na walang hanggan? Walang mintis. Sabi ni Lord ‘yan ha!
LET’S PRAY
Lord, pinupuri ko Kayo dahil Kayo’y Diyos na hindi sinungaling at tinutupad Ninyo ang Inyong pangako. Tulungan N’yo akong pangahawakan ito at patuloy na magtiwala sa katuparan nito. Amen.
APPLICATION
Read Hebrews 6:13–20 in different translations. Ask the Holy Spirit to give you a deeper insight into the text and write your reflections in your journal.
SHARE THIS QUOTE
