27
JUNE 2021
Bakit hindi sinasagot ni Lord ang Prayer ko?
Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Kanya dahil alam nating ibibigay Niya ang anumang hingin natin kung ito’y naaayon sa Kanyang kalooban.
1 Juan 5:14
Nag-pray ka naman pero wala pa ring sagot. Masipag ka namang manalangin araw-araw pero parang wala pang nangyayari. Natanong mo na ba si Lord kung bakit minsan ay may prayers ka na parang hindi Niya narinig? Naranasan mo na rin bang magtampo kay Lord dahil may prayers ka na hindi Niya sinagot?
Let’s go back sa sinasabi ng Bible. Totoo na ipinangako ni Lord na anuman ang hingin natin sa Kanyang pangalan ay ipagkakaloob Niya. (Juan 15:16) Totoo rin na kapag tayo ay humingi, tayo ay bibigyan (Mateo 7:7). At marami pang verses ang nagsasabi na kapag tayo ay nanalangin, tayo ay sasagutin ni Lord (Awit 66:19; Jeremias 29:12; Job 22:27).
Pero alam mo ba na ang mga pangakong ito ay may condition? Ang sabi sa 1 Juan 5:14, anuman ang hingin natin kay Lord ay ipagkakaloob sa atin “…kung ito’y naaayon sa Kanyang kalooban.” So, ito pala ang condition: Our prayers must be according to His will.
Isa pala sa mga dahilan kung bakit may prayers tayo na hindi nasasagot ay dahil may mga ipinagpe-pray tayo na hindi kalooban ng Diyos. It may be na mali ang motibo ng puso natin o baka hindi makakabuti sa atin at sa ibang tao ang ipinagpe-pray natin.
Matatandaan natin na bago ipako sa krus si Jesus, nanalangin Siya sa Garden of Gethsemane. Ganito ang prayer Niya: “Ama ko, kung maaari po ay ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari” (Mateo 26:39).
Okay lang humingi at maging honest kay Lord tungkol sa mga bagay na gusto mong mangyari o makuha. Pero tulad ni Jesus, palagi mong ipag-pray na ang kalooban pa rin ng Ama ang mangyari. Tandaan, ibibigay Niya, basta ayon sa kalooban Niya.
LET’S PRAY
Lord, ngayon ko nare-realize na may mga ipinagpe-pray ako na maaaring hindi ayon sa Inyong kalooban. Turuan Ninyo akong manalangin according to Your will at tanggapin anuman ang Inyong kalooban dahil iyon ang mabuti at tama. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Ipa-check mo kay Lord ang laman ng puso mo at motives patungkol sa mga bagay na ipinagpe-pray mo. Ask Him to show You His good, pleasing, and perfect will.