30
SEPTEMBER 2021
Erase, Erase!
Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya’y tapat at matuwid.
1 Juan 1:9
Imagine the following scenarios. First scenario: Natapunan ng spaghetti sauce ang puting damit mo. Second scenario: Habang nagko-concentrate kang maglagay ng eyeliner nang walang lagpas, biglang dumulas ang kamay mo at gumuhit ang itim na make-up sa mukha mo. Third scenario: Bigla mong natapunan ng chocolate drink ang bago mong libro.
Sa mga ganitong aksidente, ano ang unang-una mong gagawin? Malamang ang sagot mo ay burahin or linisin ang mantsa, tama ba? Ang automatic response kasi natin sa tuwing nakakakita tayo ng dumi o mansta ay tanggalin o linisin ito. But sadly, hindi lahat ng mantsa ay mabilis matanggal. Worse, may mga iba din na nagiging permanent stain. Nevertheless, agad-agad nating sinusubukang tanggalin ang dumi. Bakit? Dahil kapag natuyo at tumigas na ang mantsa ay mas mahirap na itong alisin.
Ganito din ba tayo kabilis magtanggal at maglinis ng ating puso’t isip dahil sa kasalanan? Ironically, minsan, kung gaano tayo kabilis magtanggal ng make-up na lumagpas o ng dumi sa sapatos ay siya namang bagal nating mag-confess at mag-repent sa ating mga kasalanan. At dahil pinatatagal natin ang sin sa ating mga puso, tulad ng mantsa sa damit, nararamdaman natin na mahirap nang alisin at iwasan ang ibang kasalanan. Hindi natin mapatawad ang ating sarili at iniisip natin na baka hindi na tayo mapatawad ni Lord.
Pero kasinungalinan ito. Hindi totoong depende sa laki o liit ng kasalanan natin ang pagpapatawad ni Lord. Lahat ng kasalanan ay pinatawad na ng Diyos dahil sa dugo ni Jesus (Efeso 1:7; Mga Hebreo 9:22). Binayaran na Niya ang lahat ng kasalanan sa Krus ng Kalbaryo. Ang sabi sa 1 Juan 1:9, “Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya’y tapat at matuwid.”
Malinaw na malinaw! Mararanasan natin ang pagpapatawad ni Lord kung aaminin natin sa Kanya ang ating kasalanan. Buburahin din ni Lord ang dumi sa ating mga puso at isip na parang hindi tayo nakagawa ng kasalanan. Kaya ni Lord i-erase lahat ng dumi at hindi Siya magtitira ng mansta kung tayo lamang ay lalapit at hihingi ng tawad sa Kanya.
LET’S PRAY
Lord, inaamin ko po na ako ay nagkasala laban sa Inyo. Salamat na dahil sa dugo ni Jesus, pinatawad na Ninyo ako at patuloy na nililinis ang puso’t isip ko. Ilayo Ninyo ako sa pagkakasala, ngunit kung mahulog man akong muli ay agad na akong magsisisi at aaminin ito sa Inyo. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Maging conscious lagi na dahil sa dugo ni Jesus ay napatawad na ang iyong mga kasalanan. Ipagpasalamat ito sa Kanya lagi at gawing motivation upang sa tulong Niya at sa kapangyarihan ng Holy Spirit ay makaiwas ka sa kasalanan.