28
MAY 2021
Isumbong Mo kay Lord
O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo, bago ninyo ako dinggin, bago ninyo ako iligtas sa karahasan? Bakit puro kaguluhan at kasamaan ang ipinapakita mo sa akin? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang karahasan at ang labanan.
Habakuk 1:2-3
Nakakabugnot makinig, magbasa, o manood ng balita ngayon. Puro na lang patayan, nakawan, pag-aaway, siraan ng pangalan, at walang pakundangang kurapsyon ng mga nasa puwesto. Kung tayo ay tunay na disciples ni Christ, maiiyak tayo sa galit at kalungkutan, dahil malayong-malayo ito sa itinatatag na kingdom ni God.
Pero ano ang dapat nating gawin? Fight fire with fire? Gantihan natin ang karahasang ibinabato sa atin? Magreklamo nang magreklamo o magsawalang-kibo? Bakit hindi tayo mag-pray nang tulad ni Habakuk?
Si Habakuk ay walang preno kung mag-pray. Sinasabi niya kay Lord kung ano ang kalagayan ng kanyang kapaligiran at kung ano ang kanyang nararamdaman tungkol dito. Pero pansinin mo ang kanyang panalangin: prangka, walang pagtatakip o pagpapabango, pero magalang pa rin siya kay Yahweh na Kausap niya (vv.2-5). Hindi siya pabalang, kahit na parang tsina-challenge niya si Lord. Hindi siya takot magpakita ng sama ng loob dahil kilala niya si Lord. Alam niyang pakikinggan siya ng Diyos, kahit na naiinip na siya sa tila kawalan ng sagot. At tumugon nga si Lord, at binigyan siya ng mensaheng nagbigay sa kanya ng pag-asa, kahit nakakalito at nakakatakot sa una.
Tayo ba, paano tayo manalangin para sa bayan natin? Tulad ni Habakuk, magpakatotoo tayo sa harap ng Diyos dahil walang sense na magkunwari tayo sa harap Niya. Alam naman Niya na nagdurugo ang puso natin dahil sa masasamang nangyayari sa paligid natin. At habang nananalangin tayo nang ganito, magtiwala tayo sa sinabi ni Cristo na lagi natin Siyang kasama hanggang sa katapusan ng panahon (Mateo 28:20) at binabago Niya ang lahat ng bagay (Pahayag 21:5)!
LET’S PRAY
Lord, maraming masasamang nangyayari sa bayan namin! Tulungan Ninyo kami! Itama Ninyo ang lahat ng kabaluktutan ayon sa Inyong katuwiran! Kayo lang po ang aming pag-asa. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Ilista mo sa isang papel ang mga sama ng loob mo tungkol sa mga nangyayari sa bayan natin. Isumbong mo sa Diyos ang bawat isang inilista mo. Pagkatapos, punitin at itapon ang papel, at magtiwala sa sinabi ng Diyos: “Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo” (Habakuk 1:5).