20
SEPTEMBER 2021
LDR
“Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo.”
Juan 14:18
Napagmasdan mo na ba ang mga taong paalis at padating sa airport? Mababanaag mo sa kanilang mga mukha ang iba’t ibang emosyon ng galak, lungkot, at pagkasabik. Lalo na kung may isang minamahal na aalis para pansamantalang maging isang OFW.
Sa Pilipinas may higit 2.3 milyong OFW ayon sa Philippine Statistics Authority. This implies na maraming relasyon ang nalalagay sa tinatawag na LDR o long-distance relationship. Ayon sa kuwento ng isang seaman, mahirap mawalay sa iyong minamahal at araw-araw na manabik sa muling pagkikita. Bagama’t sa panahon ngayon marami ng paraan para maka-connect at makausap ang minamahal, ang puso ay patuloy pa ring nangungulila.
Katulad ng LDR ng mga OFW sa kanilang pamilya, ang relasyon natin sa Panginoong Jesus ay tila LDR din. Nagkatawang-tao si Jesus para iligtas tayo sa kasalanan through His death on the cross. Nang nabuhay Siyang muli, umakyat Siya sa langit. Ngunit sa mga sasampalataya sa Kanya, mananatili Siya sa puso nila. At sa pamamagitan ng panalangin, may connection pa rin sa Kanya ang mga mananampalataya na nagmamahal sa Kanya.
Gaya ng isang kapamilya o kasintahan ng isang OFW, naghihintay din tayo sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Nangako si Jesus, “Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo” (Juan 14:18). Sa takdang panahon muli tayong magkikita. Babalik ang Panginoong Jesus para kunin na tayo at hindi na tayo muling mangungulila. Samantala, patuloy tayong maghintay sa Kanyang pagbabalik nang may pananabik. Balikan natin ang mga pangako Niya at patuloy tayong umasa.
LET’S PRAY
Panginoong Jesus, naniniwala ako na nasa langit Kayo pero nasa puso ko rin Kayo. Naniniwala rin ako na muli Kayong babalik para kunin na kaming lahat na nananampalataya sa Inyo. Salamat na sa aking pangungulila, inaaliw Ninyo ako. Tulungan Ninyo akong maging matatag habang naghihintay. Maraming salamat sa Inyong pag-ibig. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Basahin ang mga Bible verse na ito tungkol sa muling pagbabalik ng Panginoong Jesus: Mateo 24:42; 1 Juan 2:28; Pahayag 1:8; 22:12, 20. Panghawakan mo ang pangako Niya: babalik Siya!