15
NOVEMBER 2021
Pinatawad at Minamahal
Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus.
Mga Taga-Roma 8:1
Sabado na naman! Nagse-celebrate ang marami dahil ibig sabihin, rest day na nila mula sa limang araw na pagtatrabaho. Sa iba naman, araw ito ng pakikipag-bonding sa family and friends. Pero sa ilan, may literal na ibig sabihin ang Sabado—SAbon, BAnlaw at DOwny, in short laundry day. Panahon ito kung kailan tinitipon natin ang mga labada. Mga damit na nadumihan sa araw-araw nating pakikipagbuno sa buhay para labhan at nang magamit muli. Pero minsan, sadyang may mga damit na itatapon mo na lang kasi nanikit na ang matinding mantsa. Kahit na sinabon mo nang mabuti at ibinilad sa araw, nilagyan ng bleach o kalamansi, hindi na maibabalik sa dati.
Ganyan ang pakiramdam natin minsan. Dahil sa kasalanan, feeling natin para tayong damit na sobrang namantsahan kaya dapat itapon na. Sa tuwing naaalala natin ang ating pagkakamali, pakiramdam natin hindi na tayo karapat-dapat na tumanggap ng kahit anumang mabuti. Naiisip natin na walang kapatawaran ang nagawa natin kaya punumpuno tayo ng guilt at shame. Kaya ina-isolate natin ang sarili at nagmumukmok tayo.
Pero hindi tayo maruming damit na itinatapon ng Diyos. Nilinis tayo ng Diyos mula sa kasalanang nagpaparumi sa atin. Sinabi Niya sa Isaias 1:18 na gaano man kapula ng ating mga kasalanan, papuputiin Niya tayo tulad ng yelo o bulak. Jesus was the Lamb of God who was offered on the cross to take away the sin of the world (John 1:29). Kaya ibinigay na ng Diyos sa atin ang kapatawaran sa pamamagitan ni Jesus Christ na naparusahan sa krus dahil sa atin (1 Pedro 3:18). Kailangan lang nating aminin ang ating kasalanan sa Panginoon, tanggapin si Jesus Christ at ang Kanyang regalong kaligtasan. Ang sinumang nakipag-isa sa Kanya ay hindi na hahatulan ng kaparusahan (Mga Taga-Roma 8:1). Kapatid, pinatawad ka na ng Panginoon at patuloy Niyang minamahal.
LET’S PRAY
Panginoon, inaamin ko po ang mga nagawa kong kasalanan at hindi ko kayang iligtas ang sarili ko sa kaparusahan nito. Tinatanggap ko ang Inyong kapatawaran dahil kay Jesus Christ na namatay sa krus para pagbayaran ang mga kasalanan ko at bigyan ako ng bagong buhay. Salamat na pinatawad na Ninyo ako at patuloy na minamahal. Amen.
APPLICATION
Basahin ang Isaias 43:25 at Mga Taga-Roma 8:1-3. Kung nanampalataya ka kay Jesus bilang Tagapagligtas, be assured na nilinis ka na Niya sa kasalanan at hindi na hahatulan. His finished work on the cross has set us free from sin.