8
OCTOBER 2023
Pitumpung Ulit na Pito
Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
Mateo 18:21
Napansin mo ba na madalas gamitin ang number 7? Si Robert Jaworski ay dating sikat na basketball player sa PBA at ang numerong nakasulat sa likod ng kanyang jersey ay “7.” Kilala rin ang isang convenient store na bukas 24 hours a day at ang trade name niya ay may numerong “7.” Ang halamang gamot naman na ipinakilala noong araw ni Ernie Baron ay tinawag na pito-pito dahil sa pitong sangkap nito. Ikaw, paborito mo rin ba ang numerong pito?
Speaking of number 7, nabanggit ang bilang na ito nang tanungin ni Pedro si Jesus kung ilang beses niya dapat patawarin ang kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa kanya (Mateo 18:21). Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito” (v. 22). Ha? Seventy times seven is four hundred ninety. Ibig bang sabihin ay paaabutin pa natin ng hanggang 490 times ang pagpapatatawad sa nagkasala sa atin?
Sasang-ayon ka siguro na walang taong literal na naglilista sa papel ng kung ilang beses na niyang pinatawad ang isang tao. Ang nais ituro sa atin ng Diyos ay ang tunay na kahulugan ng pagpapatawad. True forgiveness has no limits. Huwag mo nang isipin kung ilang beses mo nang pinatawad ang isang tao at kung gaano ka man nasaktan. When we forgive, there should be no “ifs” and “buts.” At magagawa lang natin ito kung aalalahanin natin kung gaano tayo kinahabagan ng Diyos at pinatawad sa napakalaki nating kasalanan (Mateo 18:23–35).
May mga tao ka bang nasaktan o mga taong dapat mong patawarin? Handa mo na ba silang patawarin nang buong puso? Halika, manalangin tayo.
LET’S PRAY
Panginoon, salamat dahil una Kayong nagpatawad sa lahat ng aming mga kasalanan. Dahil pinatawad at nilinis Ninyo kami, tulungan Ninyo kaming humingi ng tawad at magpatawad sa aming kapwa nang walang limitasyon. Mahirap pero nagtitiwala kami na magagawa namin ito sa biyaya, kapangyarihan, at pangalan ng Inyong Anak na si Jesus. Amen.
APPLICATION
Be humble before God. Trust that He has already filled you with His love, mercy, and grace to forgive (and to ask forgiveness). Kaya patawarin mo ang taong nagkasala sa iyo, o humingi ka ng tawad kung ikaw ang nagkamali. The Holy Spirit will give you the right attitude toward the person you need to forgive.