2
SEPTEMBER 2022
Walang Mahirap sa Diyos
Si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo.”
Jeremias 32:17
Bibili ka ba ng lupa na walang gustong bumili dahil hindi ito kapaki-pakinabang? Meron sigurong bibili kung napakababa ng presyo at may posibilidad na pagkakitaan ito in the near future. Pero paano kung may kamag-anak kang nakiusap na bilhin mo ang lupa niya kaysa mapunta ito sa ibang tao, pero ang lupa ay nasa malayong lugar na sakop ng mga armadong rebelde. Bibilhin mo pa rin ba? Siguro hindi; bad investment iyan.
Pero si prophet Jeremiah, binili niya ang lupa ng pinsan niyang si Hanamel na sinakop na ng mga kaaway nilang Babylonians. Siguradong hindi naman niya matatayuan iyon ng bahay o matataniman ng gulay. Nagpauto ba siya sa pinsan niya? Hindi! Binili niya ang lupa kasi iyon ang sabi ni Yahweh (Jeremias 32:6–7). Sa natural, iisipin natin na hindi logical. ‘Yun ang sabi ng limitadong isip natin. Pero alam ng Diyos ang lahat ng pangyayari noon at mangyayari sa hinaharap. At kahit na tiyak ang pagbagsak ng Jerusalem sa kamay ng Babylon, ipinangako ng Diyos na darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing iyon (v. 15). Nagtiwala si Jeremias na walang mahirap sa Makapangyarihang Diyos na lumikha ng langit at lupa (v. 17) kaya sumunod siya.
Walang bagay na mahirap sa Diyos. Ganito rin ang sinabi ni Jesus sa disciples Niya. Pagdating sa kaligtasan ng tao, “magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay” (Mateo 19:26). Patungkol sa mga problema ng buhay, “walang bagay na hindi ninyo magagawa” kung may pananampalataya kayo sa Diyos (Mateo 17:20). Sa Diyos, walang problema — gaano man kalaki — na walang solusyon. Kung ang pinakamalaking problema ng tao — ang kasalanan — ay nagawan ng Diyos ng paraan, lalo na ang mas maliliit mo pang problema, hindi ba?
LET’S PRAY
Pinupuri ko Kayo, O Diyos, dahil walang bagay na mahirap sa Inyo. Hindi ako mag-aalala dahil alam kong mahal Ninyo ako at ipapakita Ninyo sa akin ang solusyon sa mga problema ko.
APPLICATION
Ipag-pray ang isang mahirap na sitwasyong kinakaharap mo ngayon o ng kapamilya mo. Manahimik at magbasa ng Bible para marinig ang tinig ng Diyos. Magtiwala na may gagawin Siya.