22
JULY 2021
Coffee for the Soul
Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo’y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid.
Mga Awit 143:8
Ganito ba ang umaga mo—pagtunog ng alarm, bumabangon ka at pumupunta sa banyo para maligo? Pag labas mo, feeling alive, alert, awake ka na ba, o kailangan mo pang uminom ng kape bago magising ang diwa mo? Ayon sa isang pag-aaral, 97% ng mga sambahayan sa Pilipinas ay bumibili ng kape, which is understandable. Sa ilang higop, nagiging mas madali para sa atin ang mag-focus. Nadadagdagan ang energy natin. Nagkakaroon tayo ng gasolina para sa mga bagay na kailangan nating i-accomplish.
Automatic na ang kape sa morning routine ng marami sa atin. Nakakatulong kasi ito sa paghahanda natin to face a busy day—both physically and mentally. Pero nakakapaghanda rin ba tayo spiritually?
Isinalarawan sa unang talata ng Marcos kung gaano ka-hectic ang buhay ni Jesus simula nang lumabas siya para mangaral, magpagaling ng may-sakit, at gumawa ng sari-saring himala. Malamang, nasanay na si Jesus na lagi siyang pinalilibutan ng ingay ng mga tao, pero inilahad ng Marcos 1:35 na gumising nang maaga si Jesus at naghanap ng tahimik na lugar para magdasal nang mag-isa. Maya-maya, pinuntahan na Siya ng mga alagad niya para sabihing hinahanap na Siya ng mga taong nais humingi ng tulong o makinig sa pangangaral Niya.
Alam ni Jesus na limitado ang oras Niya rito sa mundo at maraming nangangailangan sa Kanya. And yet, inuna Niya ang paggugol ng oras sa pagdarasal dahil mahalaga sa Kanya ang pakikipag-usap sa Diyos Ama.
Maaaring iniisip mo ngayon that you would like to start your day in prayer too, pero paano? Lagi kang nagra-rush para makaalis agad para hindi maipit sa traffic. Pagdating sa opisina, kailangan mo namang harapin ang emails at pending na trabaho na naghihintay sa iyo.
But think about this. Maaaring kailangan mong gumising nang mas maaga para magkaroon ng prayer time first thing in the morning. Sa pakikipag-usap mo sa Diyos, mararamdaman mo ang pag-ibig Niya’t lakas (Mga Awit 59:16), mare-refresh ka ng Kanyang tender mercy (Mga Panaghoy 3:22-23), at lalago ang pananampalataya mo (1 Pedro 2:2).
LET’S PRAY
Lord, nais kong lalo pa Kayong makilala. Ipaalala Ninyo sa aking walang makakapantay sa oras na nilalaan ko sa pakikinig lamang sa tinig Ninyo.
APPLICATION
Pagkagising sa umaga, mag-isip agad ng mga bagay na maipagpapasalamat mo sa Diyos. Magpahayag ka ng iyong pagtitiwala sa Kanya. Manampalataya ka na sa bawat araw, may mararanasan kang kabutihan ng Diyos.