22
SEPTEMBER 2021
Luha Para sa Iba
Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno.
Nehemias 1:4
Napansin mo ba na kadalasan, umiiyak lang tayo dahil sa mga pansariling concerns natin? Umiiyak tayo kapag may problema tayo, kapag nasasaktan tayo, kapag may kaaway tayo, kapag may sakit tayo, kapag nahihirapan tayo, kapag malungkot tayo, kapag may pinagdadaanan tayong pagsubok, kapag sobrang galit or inis tayo, kapag nakakapanood tayo ng nakakaiyak na palabas, o kaya naman ay kapag sobrang saya din natin.
Pero, natatandaan mo ba kung kailan ka huling umiyak para sa iba? Madalas, umiiyak tayo kapag namatay na ang isang tao. But when was the last time that we cried with someone because we care and feel their pains and burdens? Sa Bible, may isang lalaki na ang pangalan ay Nehemiah. Nabalitaan ni Nehemiah ang kalagayan ng kanyang mga kababayang Judio—na sila ay naghihirap, minamaliit, at nilalait ng mga dayuhan doon sa kanilang lugar. At hindi lang iyon, nalaman din ni Nehemiah na ang kanilang bayan ay sinunog at sinira ng mga kaaway nila at ang pader na nagsisilbing protection nila ay winasak rin. Nang marinig niya ang balitang ito, napaupo at napaiyak siya. Ilang araw siyang nagdalamhati at nag-ayuno (Nehemias 1:4).
Grabe ‘di ba? Sobrang nabasag ang puso ni Nehemiah para sa kanyang mga kababayan sukat na nag-pray at fast siya nang mahigit sa isang buwan. At hindi lang iyon, umiyak siya nang umiyak sa Diyos at walang tigil na nanalangin na tulungan ng Diyos ang kanyang mga kababayan at iahon sila muli sa kahirapan. Napaka-selfless!
Umiyak si Nehemiah para sa ibang tao dahil naramdaman niya ang paghihirap nila at gusto niyang tulungan sila. Alam ni Nehemiah na kung sa sarili lamang niyang lakas ay wala siyang magagawa. Kaya naman, una niyang ginawa ang pinaka-best na paraan para matulungan ang kanyang mga kababayan—ang iiyak sila kay Lord, ipanalangin at ipag-ayuno. Bumaha ang luha niya para sa iba dahil sa nakita niyang pangangailangan sa paligid niya. May mga tao rin bang nasa mahigpit na kalagyan na kailangan mong iiyak at ipanalangin kay Lord? Oras na para ipanalangin mo sila.
LET’S PRAY
Lord, salamat na ginagawa Ninyong sensitibo ang puso ko para marunong akong makaramdam sa kabigatan ng iba. Gamitin Ninyo ako para makapanalangin at makapagbigay ng comfort sa mga taong nasa paligid ko. Help me and teach me to be sefless, just like You. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Basahin ang Nehemiah 1 at i-meditate ito. Maglaan ng oras para alamin ang sitwasyon ng iyong mga kapamilya, kaibigan, at maging ng ating bansa. Mangumusta, makibalita, at magtanong. Magpakita ng concern sa problema ng iba at ipanalangin sila. Isama sila sa iyong Prayer List.