17
JANUARY 2023
Maaayos Din ang Lahat
Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.
Mga Taga-Roma 8:28
Naranasan mo na ba ‘yung sobrang sakit ng iyong puso na para bang masisira na ang iyong ulo? Haay! Bakit kaya kailangan pang dumanas ng sakit sa buhay; wala naman ito sa mga plano natin, di ba? Sa mga ganoong pagkakataon, ano-ano ang pumapasok sa iyong isip?
Galit? Ang labo naman Lord, this is unfair!
Hiya? Bakit ba kasi ako nagpabaya?
Takot? Paano na ako mabubuhay ngayong wala na akong trabaho?
Pagdududa? Bakit ito nangyayari sa akin? Mahal pa ba ako ng Diyos?
Walang isang instant sagot at solution sa mga tanong na ito. Pero lagi mong isipin na hindi ka nag-iisa. God is always with you. Kahit sa kabila ng sakit ng kalooban at katawan na iyong nararamdaman, nariyan ang Diyos at yakap-yakap ka Niya. Tandaan din natin ang napakagandang pangakong matatagpuan sa Roma 8:28: “Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin.”
Hindi man natin maunawaan ngayon kung bakit may hindi magagandang nangyayari, ipaalala natin sa ating sarili na may ginagawang mabuti ang Diyos. Sa huli, maaayos din ang lahat para sa ating ikabubuti. Kaya magpakatatag tayo sa biyaya ng Diyos. Dito tayo lalago at titibay. Basahin at isapuso natin ang Kanyang Salita. I-declare natin ang mga pangako ng Panginoon. Umawit tayo at sumayaw! Let’s hang-out with encouragers who have strong faith. Manood ng mga testimony ng mga taong nagtagumpay (https://cbnasia.org/mediacenter/category/the-700-club-asia/) At sa halip na magmukmok, maghanap ng mga taong maaari mong matulungan. Taking the focus away from ourselves and helping others add joy to our lives. Garantisado.
LET’S PRAY
Lord Jesus, Ikaw ang Ilaw sa pinakamadidilim na oras ng aking buhay. Alam kong nariyan Ka at niyayakap Mo ako. Inaayos Mo ang lahat para sa aking ikabubuti. Akayin Mo ako sa mga taong may matibay na pananalig sa Inyo. Bigyan Mo ako ng pagkakataon na makapagbigay din ng kalinga sa ibang nagdadalamhati. Sabay-sabay kaming magpupuri sa Iyo, magtitiwala, at magtatagumpay sa pamamagitan Mo dahil ang Inyong pagmamahal sa amin ay tapat.