28
OCTOBER 2023
Simula ng Katapangan
Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako’y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.”
Mateo 14:28
Isa sa nasa bucket list ni Judy ang bungee jumping. Isa itong extreme activity dahil mula sa isang launching pad, tulad ng napakataas na parte ng bangin o tower, ay tatalon ang isang tao habang nakatali ang kanyang mga paa gamit ang isang elastic cord o harness. At sa pagtalon niyang ito, parang mala-Spiderman na una ang ulo at mala-yoyo naman na magpapabalik-balik sa pag-rebound ang elastic cord. Kung may acrophobia or fear of heights ka, this is definitely a fear-conquering moment. Saan huhugutin ni Judy ang tapang para makapag-bungee jump?
Ang takot ay normal na response ng ating katawan sa mga banta sa ating seguridad (totoo man o imagined); sa mga mangyayari sa hinaharap na walang kasiguraduhan; at sa mga bagay na hindi natin alam. Minsan ang takot ay dulot din ng karanasan o trauma. Alam ng Diyos na hindi maganda ang naidudulot ng takot sa atin. Kaya hindi nakapagtataka na sa Biblia, 365 times na-mention ang mga katagang “fear not” o “huwag matakot.”
Sa Matthew 14:22-31, inakala ng mga disciple na multo si Jesus nang makita nilang naglalakad Siya sa ibabaw ng tubig. Ngunit nang sinabi ni Jesus na, “Huwag kayong matakot, ako ito!”sumagot si Peter, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako’y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” At sumagot si Jesus, “Halika.” Ano ang nagpatapang kay Peter para hamunin ang kanyang sarili na gawin ang imposible, ang maglakad sa ibabaw ng tubig?
Tiwala. Nagtiwala si Peter na si Jesus nga ang naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nakadepende ang paglalakad niya sa ibabaw ng tubig sa pagtitiwala niya kay Jesus. Kaya nang napansin ni Peter ang malakas na hangin at nawala ang focus niya kay Jesus, natakot siya at nagsimulang lumubog. Pero dahil alam ni Jesus ang kahinaan ni Peter, agad Niyang inabot si Peter upang hindi ito lumubog.
Ano ang kinatatakutan mo ? Ano ang pinagmumulan ng pag-aalinlangan mo? Tulad ni Peter, Jesus invites us to overcome our fear by putting our trust in Him. Dahil ang panlaban sa takot ay ang katapangang bunga ng pagtitiwala natin kay Jesus. Ang simula ng katapangan ay pagtitiwala sa Panginoon. Gaano man kaliit ang pananampalataya mo ngayon, makakaya mong humakbang basta’t nakatingin ka kay Jesus.
LET’S PRAY
Panginoong Jesus, tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo araw-araw. Naniniwala ako na gaano man kaliit ang pananampalataya ko ngayon ay tutulungan Mo akong maging matapang paramalabanan ang mga takot ko.
APPLICATION
Maghanap sa Bible concordance o Internet ng mga Bible verse na may katagang “do not fear.” Pagbulay-bulayan mo ang mga verse na ito na makakatulong para makapag-focus ka sa Diyos at hindi sa mga bagay na nagbibigay sa iyo ng takot.