19
NOVEMBER 2021
Susi sa Makabuluhang Buhay
Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo madama ang tamis ng mabuhay.
Ang Mangangaral 12:1
Isang kakilala ang minsang nakapagkuwento tungkol sa hirap na pinagdaanan niya upang maging isang civil engineer. Daan-daang mahihirap na exams ang kinailangan niyang ipasa, at daan-daang plates ang pinagpuyatan niya para maka-graduate. Matapos maka-graduate sa college, libo-libong oras naman ang iginugol niya sa pag-pupuyat at pagsusunog ng kilay, maipasa lang ang board exams. Nakapasa siya at naging isang professional civil engineer, pero sa lahat ng kanyang naranasang tagumpay bilang isang civil engineer, tila may kulang pa rin sa kanyang buhay. Ang sabi niya, “I am only as good as my last project.” Dahil dito napagod siyang hanapin ang tagumpay o parangal na inakala niyang makapagbibigay sa kanya ng lubos na kaligayahan.
Tulad ng civil engineer na ito, marami sa atin ang naghahangad na maabot ang pangarap at umaasang kapag narating na ito, makakamtan na ang tunay na kaligayahan at tagumpay. Marami na rin ang sumubok at nakaranas ng tagumpay, pero nadiskubre nilang may kulang pa rin. Ganito rin ang naranasan ni Haring Solomon. Bukod sa pagiging hari, marami siyang naging achievements. Sa Ecclesiastes 2, mababasa natin ang kanyang naging engineering and agricultural projects, pati literary pursuits. Hindi lang siya ang naging pinakamayamang tao sa buong mundo, siya rin ang pinakamatalino. Pero ang sabi pa rin niya, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan.
Sa huli, nakita ni Haring Solomon ang susi para maging makabuluhan ang buhay: “Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo madama ang tamis ng mabuhay” (Ang Mangangaral 12:1). Sa lahat ng gagawin natin, gawin natin ito para sa Panginoon at sa pamamagitan Niya. Sundin natin ang direksyon Niya at gawin ang kalooban Niya. Kilalanin natin na anumang tagumpay ay sa Kanya nagmumula. Ang buhay ay nagiging makabuluhan kapag kinilala natin ang ating Manlilikha anuman ang ating ginagawa.
LET’S PRAY
Panginoon, Kayo po ang aming Manlilikha. Wala kaming magagawa hiwalay sa Inyo. Salamat sa lakas at talinong bigay Ninyo para makapagtrabaho kami. Kinikilala namin na anuman ang aming ginagawa, nagiging makabuluhan lamang dahil sa Inyo.
APPLICATION
Anuman ang iyong trabaho, ipagpasalamat mo ito sa Diyos. Laging hingin ang guidance Niya at isama Siya sa bawat desisyon mo tungkol sa iyong trabaho.