18
JULY 2021
Ang Ipinagdiriwang ng Diyos Ama
Nararapat lang na tayo’y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.
Lucas 15:32
Mahilig tayong mga Pinoy na mag-celebrate. Sine-celebrate natin ang birthday, graduation, wedding, pagbubuntis, at kung ano-ano pang okasyon. Nang-iimbita at nagpapakain tayo. May karaoke pa! Minsan nanghihiram pa tayo ng pera para lang makapagdiwang. Tama ba? Gusto natin kumpleto mula dekorasyon, programa, at imbitasyon. Gigil na gigil tayong mag-celebrate. Ganyan din kaya mag-celebrate ang Diyos Ama sa langit? Ano kaya ang talagang ipinagdiriwang Niya?
Sa Lucas 15:11-32, makikita natin sa pamamagitan ng isang kuwento kung ano ang ikinagagalak ng puso ng Diyos Ama. Ito ang kuwento ng nawala at natagpuang anak. Hiningi ng bunsong anak mula sa ama ang kanyang mana at nilustay ito hanggang sa wala na siyang pambili ng makakain. Nang matauhan siya, nagpakumbaba’t bumalik siya sa kanyang ama at humingi ng tawad. Tinanggap siya nang buong-buo ng naghihintay niyang ama.
Pag-uwi ng mas nakatatandang kapatid, nadatnan niyang nagse-celebrate ang buong bahay sa pagbabalik ng kanyang suwail na kapatid. Hindi niya ito ikinatuwa. Ikinagalit niya ito at napansin ito ng kanyang ama kaya pinaalalahanan siya. Mahalaga silang pareho subalit ikinagagalak ng mapagpatawad na ama ang pagbabalik-loob at pagpapakumbaba ng nagkasala niyang kapatid. Para sa ama, karapat-dapat na ito ay ipagdiwang.
Ganyan ang puso ng Diyos Ama! Ilang beses inulit ng Kanyang Salita ang katotohanang ito. Sinabi ni Jesus, “Magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi” (Lucas 15:7). Nagdiriwang ang Diyos at ang lahat ng mga anghel sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan (Lucas 15:10).
LET’S PRAY
Lord, napakabuti Ninyo. Tapat Kayo, kahit hindi ako tapat. Buksan Ninyo ang mga mata ng aking puso para pahalagahan ko ang mahalaga sa Inyo at ipagdiwang ko ang ipinagdiriwang Ninyo, tulad ng pagtalikod sa kasalanan ng isang tao at pagbabalik-loob sa Inyo. Amen.
APPLICATION
Hindi masama ang mag-celebrate. Nakaka-encourage ito lalo na sa may okasyon. Bigyan din natin ng angkop na pansin at ipagdiwang ang panunumbalik sa Diyos ng ating kapatid, kamag-anak, o kaibigan. Kung sakaling may magpakumbaba at humingi ng tawad sa iyo, patawarin mo siya at subukan mo ring ipagdiwang ang okasyong iyon. Siguradong isa ‘yang ala-alang mahirap malimutan.