26
NOVEMBER 2021
Gusto Mo Bang Gumaling?
Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya’t tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?”
Juan 5:6
Sumadya si Jesus sa pool of Bethesda bago pumunta ng Jerusalem. Sa pool na ito ay naroon ang maraming may kapansanan—mga bulag, pilay at paralitiko sa paniniwalang nakakagaling ang tubig dito. May isang lalaking nandoon din na thirty-eight years nang hindi makalakad. Alam ni Jesus ang Kanyang condition kaya tinanong Niya ang lalaki, “Gusto mo bang gumaling?” Pero imbes na sumagot siya ng “Oo, gusto kong gumaling. Tulungan Ninyo ako” ay sinabi niya ang dahilan kung bakit hindi siya gumagaling.
Tulad ng lalaking maysakit for thirty-eight years, may mga bagay sa buhay natin na matagal na nating iniinda o dinadala na pumipigil sa atin na ma-enjoy ang buhay sa piling ng Diyos. Maaaring matinding karamdaman, bisyo, addiction, cycle of defeated thoughts, abusive relationship, at iba pa. Marahil sa tagal ay nasanay na tayo at tinanggap na nating hindi na magbabago ang kalagayan natin. Tinanggap na lang natin na hopeless na.
Pero bago mo sabihin sa sarili mo na “Finish na,” know that kilala ka ni Jesus. Alam Niya ang condition mo at ang pinagdadaanan mo. Ang tanong, “Gusto mo bang gumaling?” Handa ka bang umamin sa Diyos na kailangan mo ang tulong Niya? Tinatanggap mo ba ang regalo Niyang kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesus? Magtitiwala ka ba sa Kanya?
Pinatayo ni Jesus ang lalaki, inutusang buhatin ang kanyang higaan at lumakad. Noon di’y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad (Juan 5:8-9). Ikaw, gusto mo rin bang gumaling?
LET’S PRAY
Panginoong Jesus, pinupuri namin Kayo dahil Kayo ang aming Manggagamot. Salamat dahil hindi lang Ninyo pinagbayaran ang aming mga kasalanan at pinalaya kami mula rito, kundi pinagaling din Ninyo kami. Tulungan Ninyo kaming patuloy na magtiwala sa Inyo at lumakad sa buhay nang kalugud-lugod sa Inyo. Amen.
APPLICATION
Isulat sa iyong Prayer List ang karamdaman na gusto mong pagalingin sa iyo ng Panginoon. Magtiwala at papurihan Siya bilang Our God Who Heals. Ipag-pray mo rin ang mga kakilala mong maysakit.