3
SEPTEMBER 2021
Huwag Mag-alala
“Kaya’t huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit.”
Mateo 6:31
Alas singko pa lang ng umaga, nakapag-book na si Dennis ng masasakyang motorsiklo mula sa motorcycle taxi service app. Naisip niya, sa ganitong paraan, mas mabilis siyang makararating sa work niya sa Makati galing ng Sampaloc, Manila. Pero delikado para sa mga motorista ang dumaan sa mga kalyeng tulad ng Quirino at Osmeña dahil may mga rumaragasang 12-wheeler trucks na naghahabol para hindi maabutan ng alas sais na truck ban. May panganib man at pangamba, nakikipagsapalaran pa rin si Dennis dahil dapat siyang umabot sa oras ng kanyang trabaho. Mahalaga kasi ang kikitain niya para sa kanyang pamilya.
Ang bawat breadwinner gaya ni Dennis ay nag-aalala tungkol sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, damit, pambayad ng bills, at iba pang gastusin. Kaya nagsusumikap sila na kumita ng pera. Hindi masamang pag-isipan at gawan ng paraan ang tungkol sa ikabubuhay ng pamilya natin, pero ang masama ay ang mabuhay tayo na laging takot dahil dito. Kung ito ang nararamdaman mo, sinasabi rin sa iyo ngayon ni Jesus ang sinabi Niya sa mga tagapakinig Niya noon: “Huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit.” Pangako ng Panginoon na Siya ang bahala sa atin. Tapat ang Diyos Ama sa Kanyang mga anak at bilang ating Ama makakasiguro tayong andiyan Siya lagi para sa atin. Kaya naman isuko mo na ang lahat ng pag-aalala mo. Halika, kaibigan, dumulog tayo sa ating Ama.
LET’S PRAY
Aming Diyos Ama na lumikha sa amin at sa buong sanlibutan, nananalig kami sa Inyo. Ayaw na po naming mabalisa. Nananalig kami sa Inyo at nagtitiwala na hindi Ninyo hahayaang kapusin kami sa anumang aming pangangailangan. Salamat po aming Ama, sa pangalan ni Jesus, Amen.
APPLICATION
Kung nanalangin ka, umasa ka na tutustusan ng Panginoong Diyos ang pangangailangan ng pamilya mo. Basahin mo ang Mateo 6:25-34 nang ilang beses, lalo na kapag nababalisa ka, para maalis ang iyong pag-aalala.