8
DECEMBER 2021
Huwag Mawalan ng Pag-asa
Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.
Job 5:16
Lumaki si Rafael sa piling ng kanyang lola at hindi sa kanyang mga magulang. Sa kabila ng kakulangan ng suporta para sa kanyang pag-aaral, hindi nawalan ng pag-asa si Rafael. Maraming beses na niyang naisip na sumuko pero mas naging mahalaga sa kanya ang makalaya sa kahirapan. Para mapag-aral ang sarili, nagtrabaho siya bilang isang shoe shine boy at naglako ng kung ano-ano. Sa biyaya ng Diyos, nagsikap siya, nakatapos ng college, naging engineer, at nakapagtrabaho. Gamit ang maliit na ipon, nagtayo siya ng isang battery business, hanggang sa lumago ito at naging customer niya ang pinakamalaking airline sa bansa. Later on, pinasok niya ang pulitika—naging congressman siya at pagkatapos ay naging governor ng kanilang probinsya. Sa gitna ng mga naranasang trahedya at tagumpay, ang naging laging bukambibig ni Governor Rafael Nantes ay ang Panginoong Diyos na naging tanging pag-asa at sandigan niya.
Kaibigan, similar ba dito ang kuwento ng buhay mo? Huwag kang mawalan ng pag-asa. Kung hindi man tayo makakuha ng support mula sa ibang tao, tiyak na makakaasa tayo sa Diyos. Sabi sa Job 5:16, “Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama.” Umasa tayo sa Diyos. Kaya Niya tayong iahon sa ating kahirapan at hindi magandang kalagayan. Kung aasa tayo sa Panginoong Jesus at susundin natin Siya, hindi imposibleng maging kuwento rin ng tagumpay ang buhay natin.
LET’S PRAY
Panginoong Diyos, maghari Kayo sa buhay kong tila wala nang pag-asa. Palakasin po Ninyo ako para hindi ako sumuko. Salamat, O Diyos Ama, sa Inyong pagmamahal at paggabay.
APPLICATION
Kung ito ang naging panawagan mo sa ating Panginoong Diyos at Ama, makakasiguro ka na gagabayan ka Niya. Pagbulaybulayan mo ang Jeremiah 29:11, Isaiah 40:31, at Romans 5:5 para patuloy kang magkaroon ng pag-asa sa Diyos.