15
SEPTEMBER 2021
Lumapit sa Expert
Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya’y hingin, sa tuwina’y parangalan siya at sambahin.
1 Mga Cronica 16:11
“Sigurado ka bang marunong ka niyan?” tanong ni Apple sa kanyang kuya mula sa ibaba ng hagdan.
“Sinabi nang oo eh!” asar na sagot ni Renz, sabay hila sa buhol-buhol na kable mula sa kisame.
“Eh kung tumawag na lang kaya tayo ng electrician?” suggestion ni Apple.
“Electrician nga ako!” naiinis na sagot ni Renz.
Fifteen minutes later, may narinig na putok si Apple habang nagluluto siya sa kusina. Kung kanina ay isang kuwarto lang ang walang ilaw, ngayon buong bahay na nila ang nawalan ng kuryente.
Pagkaraan ng ilan pang minuto, narinig ni Apple ang dahan-dahang pagbaba ni Renz sa hagdan. Hindi man niya nakikita ang kapatid, nai-imagine na ng dalaga ang hitsura nito.
“So,” marahan niyang sabi while crossing her arms in the dark, “tatawag na ba ako ng electrician?”
Lumala ang problema nina Apple at Renz dahil pinagpilitan ng binata na kaya niya itong solusyunang mag-isa. Imbes na humingi ng tulong mula sa isang expert, nagmarunong siya. In the end, kinailangan din nilang tumawag ng electrician. Lumaki pa tuloy ang bill na babayaran nila.
May problema ka bang kinakaharap ngayon na sa tingin mo ay kaya mong i-solve mag-isa? Huwag magmatigas. Instead of doing things your own way, bakit hindi ka lumapit sa Panginoon?
Bilin ni Haring David sa kanyang kanta sa 1 Mga Cronica 16:11, “Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya’y hingin, sa tuwina’y parangalan siya at sambahin.” Kung si David nga, who was considered the most powerful man in Judah that time, ay patuloy na humingi ng tulong sa Panginoon, bakit hindi rin natin ito gawin? Makakasiguro tayo na hindi Niya tayo bibiguin o pababayaan (Deuteronomio 31:8).
Anumang burden ‘yan, anumang pagsubok, ilapit natin ito sa Kanya. Huwag nating piliting lutasin ang ating problema nang mag-isa. Meron tayong Diyos Ama na expert sa lahat ng bagay. Lumapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ni Jesus.
LET’S PRAY
Lord, hindi ko kayang lutasing mag-isa ang aking mga problema. Lumalapit ako sa Inyo para humingi ng tulong. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Sumubok ng isang activity na hindi mo pa nasusubukan before. Manghingi ng tulong mula sa isang coach or expert para masiguradong tama ang iyong gagawin.