26
SEPTEMBER 2021
Pamilya
Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang larawan. Sila’y Kanyang nilalang, na isang lalaki at babae, at sila’y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magparami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito…”
Genesis 1:27-28
Bata pa lang si RJ nang umalis ang kanyang mga magulang upang magtrabaho abroad. Naiwan sa kanyang pangangalaga ang tatlo pang nakababatang kapatid. Sa murang edad ay tumayo siyang ama at ina sa mga kapatid, gayung siya man ay nangangailangan pa ng pag-aaruga. Ang kawalan ng gabay at kalinga mula sa mga magulang ay hinanap ni RJ sa barkada.
Bugbog-sarado naman ang inabot ni Maris sa kanyang ama. Kung iyon man ay paraan ng pagdidisiplina ng ama, hindi iyon naunawaan ni Maris. Dala ng takot, naglayas si Maris nang magdalaga at pumasok na katulong para mabuhay. Natagpuan niya ang lalaking nagpatibok ng kanyang puso. Nakipag-live in at kalaunan ay nagpakasal, pero ang inaasahang pagmamahal mula sa asawa ay hindi niya natagpuan. Kaya minabuti niyang mag-abroad bilang isang OFW at iniwan ang mga anak.
Si Mirriam naman ay ipinagpalit ng kanyang asawa sa ibang babae, makalipas lamang ang apat na taong pagsasama. Labag sa kautusan ng Diyos ang ginawa ng kanyang asawa. Dahil dito, mag-isa na lamang inaruga ni Mirriam ang kanilang anak na lalaki. Pero pagkalipas ng ilang taon, nakisama si Mirriam sa ibang lalaki at nagkaroon ng anak na babae. Labag din ito sa kalooban ng Diyos. Sa bandang huli ay naghiwalay din si Mirriam at ang kanyang kinakasama. Mag-isang binuhay ni Mirriam ang mga anak.
Ito na ba ngayon ang larawan ng pamilyang dinisenyo ng Diyos? Hindi nagbabago ang magandang kalooban ng Diyos para sa pamilya. Mabuti na lamang at sila RJ, Maris, at Mirriam ay nakakilala sa Panginoon. Si RJ ay naging isang mabuting anak at kuya. Nawala na rin ang hinanakit niya sa mga magulang na kanya ring napatawad. Si Maris ay nakipag-reconcile sa kanyang ama. Nagkabalikan din silang mag-asawa at masaya nang nagsasama ayon sa kalooban ng Diyos. Si Mirriam ay tumalikod na sa lahat ng maling nagawa sa buhay at nakapagpatawad na rin sa asawa. Tanging ang Panginoong Jesus na lamang ang lahat sa kanyang buhay.
Kung kayo ay tulad din ni RJ, Maris, o Mirriam, may pag-asa pa. Dumulog kayo sa Diyos, isuko ang inyong buhay sa Panginoong Jesus, at tanggapin ang Kanyang kapatawaran. Babaguhin Niya ang inyong buhay.
LET’S PRAY
Panginoon, inaamin ko po at pinagsisisihan ang aking mga nagawang kasalanan. Tinatanggap ko Kayo bilang Tagapagligtas at Panginoon ng aking buhay. Salamat sa Inyong pagpapatawad. Simula ngayon. Kayo na, O Diyos, ang maghari sa aking buhay at sa aking pamilya. Tulungan Ninyo kaming mamuhay bilang pamilya ayon sa Inyong kalooban. Amen.
APPLICATION
Sabihin mo sa Panginoon ang lahat ng maling ginawa mo noon na dapat mong baguhin nang ayon sa Kanyang kalooban. Magtiwala sa Diyos at magpasalamat sa biyayang kaloob Niya para mabago ang iyong buhay. Patawarin mo ang lahat ng mga taong nanakit sa iyo, patawarin mo rin ang iyong sarili. Humingi ng gabay sa Diyos at basahin mo ang Salita Niya araw-araw.