28
OCTOBER 2021
Pinagaling Ka ng Iyong Pananampalataya
Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya’y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di’y gumaling ang babae.
Mateo 9:22
Sa ebanghelyo nina Marcos, Mateo, at Lucas mababasa natin ang testimony ng babaeng labindalawang taon nang dinudugo. Hindi biro para sa isang babae ang duguin nang higit pa sa takdang bilang ng araw ng kanyang buwanang dalaw. Ano pa kaya kung dinudugo siya sa loob ng labindalawang taon? Maraming manggagamot ang tumingin sa kanya pero walang makapagpagaling. Sa halip ay lalo pa itong lumalala at naubos ang kanyang kabuhayan (Marcos 5:25-26; Lucas 8:43). Kaya nang nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus ay nakipagsiksikan siya (Marcos 5:27), lumapit sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng Kanyang damit (Mateo 9:20). Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.’ At agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya (Marcos 5:28-29).
Sa buhay natin, may times na nasusubukan ang pananampalataya natin sa Diyos. May mga panalangin na inaabot ng ilang taon ang sagot ng Panginoon. O kaya naman, may pangyayari sa buhay natin na nauubusan o nawawalan tayo—maaaring financially, physically, o emotionally. Maaaring nawawalan tayo ng confidence sa sarili o pag-asa sa buhay. Sa kabila ng lahat ng ito, kapatid, makakaasa ka na ang healing, fulfillment, and satisfaction ay na kay Jesus Christ lamang. Buksan mo ang iyong puso at tanggapin mo Siya bilang iyong Tagapagligtas at Panginoon. Manampalataya ka na may magandang plano Siya sa iyo. Ngayong araw na ito, pakinggan mo si Jesus na nagsasabing, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
LET’S PRAY
Panginoon, inaamin ko po na hindi ko kayang iligtas ang aking sarili. Kailangan ko ang Inyong Anak na si Jesus upang pagalingin, puspusin, at bigyan ako ng pag asa sa aking hinaharap. Nananampalataya ako na mabuti Kayong Diyos at maganda ang plano Ninyo sa buhay ko. Sa ngalan ni Jesus, Amen.
APPLICATION
Sa isang tahimik na lugar, manalangin ka sa Panginoon at idulog sa Kanya ang iyong pinagdadaanan. Isulat ang specific prayer requests mo sa iyong Prayer List nang sa gayon makita mo ang sagot ng Panginoon sa iyong panalangin. Purihin Siya sa Kanyang kabutihan sa pamamagitan ng songs of praise and worship.