23
DECEMBER 2021
Magsimula Muli at Padayon!
Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa.”
Juan 21:17
No man is an island. Lahat tayo ay konektado at may pananagutan sa isa’t isa. Kaya naman ang kabuuan ng Sampung Utos ng Diyos ay pinasimple ni Jesus sa ganitong kautusan: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas…ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili (Marcos 12:30-31).
Bilang isang Judio at taga-sunod ni Jesus, alam na alam ni Pedro ang ibig sabihin ng kautusang ito. Matapos ang muling pagkabuhay ni Jesus, inaya niyang mag-almusal ang Kanyang mga alagad at dito ay tinanong Niya si Pedro kung mahal siya nito. Sa dalawang parehong tanong iisa lang ang sagot ni Pedro, “Mahal ko kayo.” Ngunit sa ikatlong pagtatanong ay nalungkot si Pedro at sumagot kay Jesus, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.”
Sa buhay natin, may mga taong pinapaalagaan sa atin ang Panginoon—maaaring magulang, kapatid, asawa, o anak. O di kaya ay kapit-bahay, katrabaho, kaibigan, kasama sa ministry, o maging ang susunod na henerasyon. At tulad ni Pedro, minsan nakakaramdam tayo ng panghihina kaya hindi na makapagpatuloy, o nahihirapan tayong panindigan ang pagmamahal natin kay Jesus at naiisip nating tumigil na.
Alam ni Jesus na hindi madali para sa atin ang “pakainin ang Kanyang mga tupa,” gaya ng ibinilin Niya kay Pedro. Kaya nga kasama ng pag-anyayang ipamuhay ang pagmamahal natin sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga tao, ay ang pagbuhos Niya sa atin ng Kanyang pag-ibig mismo. Sa biyaya at pag-ibig ng Diyos, magagawa natin ito. Kaya magsimula tayo muli at magpatuloy. Padayon.∗
∗ Ang padayon ay isang salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay “sulong” or “carry on.”
LET’S PRAY
Panginoon, salamat at hindi Ninyo kami sinusukuan sa kabila ng aming mga kabiguan sa pagsunod at pagmamahal sa Inyo. Salamat na pinupuspos Ninyo kami ng Inyong pagmamahal, habag, at biyaya para maibahagi rin namin ito sa mga taong ipinagkatiwala Ninyo sa amin. Sa ngalan ni Jesus, Amen.
APPLICATION
Ipanalangin ang mga taong pinapaalaga sa iyo ng Panginoon. Maging sensitive sa leading ng Holy Spirit. Ipamalas ang pagmamahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pangungumusta, pagbibigay ng encouraging words, pakikinig at pakikiramay sa kanilang hinaing, at pagpe-pray. Isama sila sa iyong Prayer List.