8
JULY 2021
Kapag Lubog Ka Na
O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig sa pagkalubog kong abot na sa leeg; lumulubog ako sa burak at putik, at sa malalaking along nagngangalit.
Mga Awit 69:1-2
Lahat tayo ay dumadaan sa mga problema ng buhay. May maliliit na problemang nakakairita, pero kayang-kaya nating i-solve. May malalaking problema na para bang tumatangay sa atin, nilulubog tayo, at nilulunod tayo. Kapag ganoon, bumabagsak ang ating kalooban na para bang hopeless na ang lahat. And no, hindi tayo immune sa mga problema dahil lamang nagtiwala na tayo kay Jesus Christ bilang ating Savior and Lord. Actually, ang paalala nga sa atin ni Jesus ay “Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito” (Juan 16:33a).
Pero hindi doon nagtatapos ang lahat. Ine-encourage tayo ni Lord na “tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33b). Kaya’t hindi man ipinangako ni Lord na wala na tayong problemang haharapin kapag nagtiwala tayo sa Kanya, ipinangako naman Niya na makikinig Siya sa atin kapag dumaing tayo dahil sa pinagdadaanan natin. Kagaya ni Daivid, maaaring dumaing tayo sa Diyos hanggang maging malat at sugatan na ang ating lalamunan at hindi na maidilat ang ating mga mata sa kakaiyak (Awit 69:3). Pero huwag mong isiping kailangan mong magpakahirap para lamang marinig ng Diyos dahil ayon sa 1 Juan 5:14, “Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa Kanya dahil alam nating ibibigay Niya ang anumang hingin natin kung ito’y naaayon sa kanyang kalooban.” Ibuhos lang natin ang lahat ng ating sama ng loob sa Kanya at magtiwala na nakikinig Siya at sasamahan Niya tayo sa ating pinagdadaanan. At dahil na-overcome na Niya ang sanlibutan, mao-overcome din natin kasama Niya ang problemang kinalulubugan natin. Mag-pray tayo:
LET’S PRAY
Lord, lubog na lubog na ako sa problema. Hirap na hirap na ako. Iligtas Ninyo ako! Hindi ko na kaya. Kayo lang ang aking pag-asa. Salamat at naririnig Ninyo ako at inaahon sa aking pagkakalubog. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Kung may kinakaharap kang malaking problema sa ngayon, basahin mo ang Awit 69. Gawin mo itong isang panalangin sa Diyos. Kung habang binabasa mo ito ay maiiyak ka, umiyak ka. Pagkatapos ay manahimik at damahin mo ang presence ng Diyos. Magpasalamat sa Kanyang tulong at biyaya.