24
JANUARY, 2021
Kasama Natin Ang Diyos
Share with family and friends
Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, “Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok. Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas.
Isaias 43:1–3
May isang sikat na praise song noon na nakakapagbigay ng lakas ng loob sa mga tao—ang kantang “Kasama Natin ang Diyos” ni Boy Baldomaro. Ang awit na ito ay based sa ating reading ngayon na Isaias 43:1–3. Pero kailangan nating linawin ang mensahe ng awit at ng passage na pinanggalingan nito. Sinasabi dito na “tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod,” ngunit hindi nito sinasabi na hindi ka mababasa, o maaanod. At lalong hindi nito sinasabi na hindi mo na kailangang dumaan sa ilog. Ang sabi lang ay “hindi ka malulunod.” Mabasa o anurin ka man, hindi ka magagapi ng ilog dahil kasama mo ang Diyos.
Gayon din sa “dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog.” Hindi nito sinasabi na hindi ka na mapapaso o maiinitan. Hindi nito sinasabi na hindi ka masasaktan o mahihirapan. Ang sabi lang ay “hindi ka masusunog, hindi ka matutupok.” Ang sinasabi ay masaktan o mapaso ka man, hindi ka magagapi ng apoy dahil kasama mo ang Diyos na iyong Tagapagligtas.
Ganito rin ang mensahe ng Mga Taga-Filipos 4:12–13 na ang sabi ay “Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na rin ang managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.” Kaya kapatid, magtiwala tayo kay Cristo at manalig sa Kanya. Anuman ang pinagdadaanan natin, hindi tayo mabubuwag at malalampasan natin ang mga ito dahil kasama natin Siya sa gitna ng ating paghihirap at kakulangan.
Share this encouraging page to family and friends.
LET’S PRAY
Lord, nagtitiwala po ako na sasamahan Ninyo ako sa lahat ng pagdadaanan ko. Iparamdam Ninyo sa akin ang Inyong presensya upang lumakas ang aking loob na harapin ang mga ito nang buong tapang, habang kinagagalak ang Inyong pagsama sa akin. In Jesus’ name, Amen.
APPLICATION
Memoryahin ang Isaias 43:1-3. Maaari ding hanapin sa YouTube ang awit na “Kasama Natin ang Diyos.” Bigkasin o awitin ito tuwing nahaharap sa mga pagsubok, problema, at paghihirap. Mag-pray na iparamdam sa iyo ng Diyos na nariyan Siya sa tabi mo, handang sumama sa iyo sa pagharap sa mga pagsubok na ito.